December 23, 2024

562 BILANGGO PINALAYA

NASA 562 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya ng Bureau of Corrections para sa buwan ng Hunyo.

Mula pa noong Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2024, napalaya na ng BOC ang nasa 14,657 PDLs bilang bahagi ng “Bilis Laya” Program ng bureau.

Sa kanyang ipinadalang report kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, sinabi ni BOC Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na sa 562 PDLs, 321 ang nagsilbi sa kanilang maximum sentence, 121 ang naabswelto, 98 ang nabigyan ng parole, 21 ang nabigyan ng probation at isa ang nabigyan ng executive clemency (conditional pardon).

 Samantala, sinabi ni Catapang na nagpapatuloy ang ahensya sa mga programa nito para mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga PDL na nakakulong pa rin sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad at rehabilitasyon ng mga kulungan at penal farm sa buong bansa.

Aniya, pinalawak din ng BuCor ang e-Dalaw system, na nagpapahintulot sa mga PDL na makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay sa pamamagitan ng mga tawag at chat.

Sa mahigit 14,000 na pinalayang PDL, sinabi ng BuCor na 8,129 ang nagsilbi sa kanilang maximum na sentensiya, 3,592 ang nabigyan ng parole, 2,468 ang naabsuwelto, 356 ang probation, 52 ang nabigyan ng executive clemency sa pamamagitan ng commutation of sentence, at pito ang binigyan ng executive clemency sa pamamagitan ng conditional pardon.

Samantala, 35 ang nakalaya sa cash at bail bond, pito ang nakalaya sa habeas corpus, at 21 iba pa ang nakalaya dahil sa iba pang paraan.