March 28, 2025

5 wanted sa panggagahasa, nadakip sa Caloocan

WALANG kawala ang limang lalaki na pawang akusado sa kaso ng panggagahasa matapos masakote ng pulisya sa pinaigting na manhunt operations kontra wanted persons sa Caloocan City.

|
Dakong alas-11:20 ng gabi nang makorner ng tumutugis na mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals sa Jasmin St., Bicol Area, Brgy., 175, ang 20-anyos na construction worker na akusado at nakatala bilang Top 6 Most Wanted Person sa lungsod.


Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section at Sub-Station 11 ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez, ng Caloocan City RTC Branch 131, para sa two counts of rape noong February 17, 2025 na walang inirekomendang piyansa 


Alas-12:10 ng tanghali nang bitbitin ng mga operatiba ng NPD-DIDMD sa pangunguna ni PCMS Fernando Cortez Jr ang 24-anyos na akusado sa Brgy., 176, Bagong Silang sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Glenda K. Cabello-Marin, ng Branch 124, RTC ng Caloocan City, noong November 7, 2019 para sa kasong Rape na may inirekomendang piyansa na P200,000.


Sa Brgy., 176, Bagong Silang parin, inaresto ng mga tauhan ng SS12 ng CCPS ang 24-anyos na lalaki bandang alas-11:00 ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape na inisyu ni Presiding Judge Lyn L. Llamanares-Gonzalez, ng RTC Branch 120, San Jose Del Monte, Bulacan, noong January 3, 2024, na walang inirekomendang piyansa.


Dinampot ng pinagsamang mga tauhan ng WSS at SS5 ng CCPS sa Brgy. 146, Bagong Barrio dakong alas-11:10 ng gabi ang 24-anyos na lalaki na nakatala bilang Top 5 MWP sa lungsod sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City RTC Branch 124 noong December 27, 2024 para sa two counts of sexual assault in relation to Section 5(B) of RA 7610 at rape.


May inirekomendang piyansa ang korte na P360,000 para sa sexual assault subalit, walang inirekomendang piyansa para sa rape.


Habang nadakip sa joint operation ng mga operatiba ng DSOU-NPD, DID-NPD at RIU-NCR sa Kabatuhan Road, Deparo dakong alas-8:00 ng gabi ang 52-anyos na mister sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Caloocan City RTC Branch 131 noong January 27, 2025 para sa four counts of rape na walang inirekomendang piyansa.
Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang hindi natitinag na pangako ng mga operatiba sa pagsubaybay at paghuli sa mga akusado, na nagpapatibay sa dedikasyon ng NPD sa pagtataguyod ng hustisya at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.