May 17, 2025

5 Tiklo sa Cara y Cruz, 2 Nabistuhan Pang May Dalang Shabu sa Valenzuela

TIKLO ang limang indibidwal, kabilang ang isang bebot matapos maaktuhang nagsusugal at makuhanan pa ng illegal na droga ang dalawa sa kanila sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ng Paso De Blas Police Sub-Station 1 kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Chief ng Valenzuela police, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may lalaro ng cara y cruz sa Francisco Compound, De Castro Subdivision, Brgy. Paso De Blas.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis sa nasabing lugar kung saan naabutan nila ang dalawang lalaki na sina alyas “Danilo”, at alyas “Ryan” na naglalaro ng cara y cruz na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila dakong alas-8:00 ng gabi.

Nasamsam ng mga pulis ang tatlong piso coins na gamit bilang pangara at P540 bet monet habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas Danilo.

Nauna rito, nadakip din ng mga tauhan ng Ugong Police Sub-Station 8 sina alyas “Lyn”, alyas “Randy” at alyas Efren” nang maaktuhan nilang naglalaro din ng sugal na cara y cruz sa Brgy. Mapulang Lupa, bandang alas-10:45 ng gabi.

Nakumpiska ng mga tauhan ng SS8 sa lugar ang tatlong piso coins na gamit bilang pangara at P470 bet money habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas Lyn.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa nina ‘Danilo’ at ‘Lyn’.