November 24, 2024

5 patay, 93 nagpositibo sa COVID 19 sa Navotas

LIMA ang patay sa COVID-19 sa Navotas City kahapon, Hulyo 14, dalawang araw bago simulan ang dalawang linggong lockdown sa lungsod.

Sumipa rin sa 93 ang naitalang kumpirmadong kaso, ang pinakamataas na bilang ng nagpositibo sa loob ng isang araw simula nang makapagtala ng unang kaso ng COVID-19 sa lungsod, habang tatlo lamang ang gumaling.

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Mayor Toby Tiangco sa lahat na ang COVID-19 ay isang nakahahawa at nakamamatay na sakit.

“Hindi natin nakikita ang ating kalaban.  Hindi natin nakikita ang virus at hindi natin alam kung sino-sino ang carrier nito.  Sa ngayon, wala pa itong gamot o bakuna. Tayo lamang ang makatutulong upang maiwasan ang pagkalat nito.  Ang disiplina at pangangalaga sa sarili ang tangi nating panlaban sa virus,” anang alkalde.

Muli rin siyang nanawagan sa nasasakupan na manatili sa loob ng bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas at ingatan ang mga bata at nakatatanda dahil mas mataas ang tsansa nila na mahawa sa sakit.

“Ugaliing maghugas ng kamay, magsuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig, gawin ang physical distancing na may 1-2 metrong pagitan, at kumain ng masusustansyang pagkain upang lumakas ang katawan. Gawin ang lahat ng makakaya para makaiwas sa sakit. Wag maging kampante, mag-ingat parati,” ani Tiangco.