January 25, 2025

5 nasawi, 2 sugatan sa Navotas fire

LIMANG residente, kabilang ang dalawang taon gulang na batang lalaki ang nasawi matapos ang naganap na sunog sa isang residential area sa Navotas City, Lunes ng hapon.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasawing biktima bilang sina Ma. Theresa Lopez, 41, Darlyn Baluyot, 18, grade 11 student, Diorella Gonzales, 18, grade 11 student, Asuncion Gonzales, 65, at ang 2-anyos na batang lalaki.

Habang kinilala naman ang mga sugatan na sina Carlos Olidan, 51 at Josefina Sarate, 34, na kaagad naman nilapatan ng lunas ng mga tauhan ng Navotas City Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO).

Personal namang binisita at namigay sina Mayor  John Rey Tiangco, kasama si Congressman Toby Tiangco at Vice Mayor Tito Sanchez ng financial assistance, food packs, sleeping kits at hygiene kits sa mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Brgy. Navotas West at Bagumbayan North na pansamantalang nanunuluyan sa CIF 4 sa Navotas Centennial Park at nagpaabot rin sila ng kanilang taos pusong pakikiramay sa mga pamilyang namatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP-NCR at Navotas Fire Station sa pangunguna ni Ground Commander F/Supt. Joel Diwata at FO2 Keneth Jay Esteban, dakong alas-3:58 ng hapon nang magsimula ang sunog sa bahay ni certain Letecia Tagle sa No. 59 P. Cadorniga St., Brgy. BBN, Navotas City at mabilis umanong kumalat ang apoy dahil sa magkadikit-dikit ang mga kabahayan sa lugar.

Dakong alas-6:11 ng gabi nang iakyat sa 5th alarm ang sunog hanggang sa umabot sa task force Alpha alas-6:22 ng gabi nang madamay pa ang katabing barangay ng Navotas West.

I-deneklarang under control ang sunog bandang alas-8:29 ng gabu bago tuluyan naapula alas-9:22 ng gabi kung saan umabot sa 441 pamilya ang nawalan ng bahay habang inaalam pa kung magkaano ang halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy at kung anu ang pinagmulan ng sunog.