June 16, 2025

5-minute rule binigo: 8 police chiefs sa Metro Manila sinibak

MANILA — Sinibak sa puwesto ang walong hepe ng pulisya sa Metro Manila matapos mabigong makasunod sa 5-minute response time policy para sa mga emergency calls, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, hindi umano kayang makasabay ng mga sinibak na opisyal sa bagong pamantayang itinakda para sa agarang aksyon sa tawag ng publiko.

“Pina-relieve ko ang mga chiefs of police na ‘yon sapagkat hindi sila maka-cope up or ayaw nilang mag-cope up sa standards,” pahayag ni Torre. “Hindi namin mako-comply ang utos ng Pangulo na 5-minute response kung ganyan ang reaksyon ng mga opisyal.”

Kabilang sa mga tinanggal sa puwesto ay ang mga police chiefs ng Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong, Marikina, San Juan, Parañaque, at Makati, ayon kay PNP spokesperson BGen. Jean Fajardo.

Matatandaang nangako si Gen. Torre na sasagutin ng pulisya sa Metro Manila ang 911 emergency calls sa loob lamang ng limang minuto. Target pa nga raw ng PNP na ibaba ito sa tatlong minuto sa loob ng tatlong buwan.

Bukod sa mga nasibak sa Metro Manila, sinabi rin ni Torre na posible ring tanggalin sa puwesto ang tatlong provincial police directors mula sa Negros Island Region, Western Visayas, at Central Visayas, dahil din sa kahalintulad na kabiguan sa performance.

Binigyang-diin ni Torre na bahagi ito ng malawakang hakbang upang ibalik ang tiwala ng publiko sa kakayahan ng kapulisan na tumugon sa oras ng kagipitan.

“Kung hindi kayang sumunod sa standard, papalitan natin ng mas handa at mas masigasig,” giit ni Torre.