June 12, 2025

5-MINUTE RESPONSE? EPD HANDA NA!

Pasig City — Isinagawa ng Eastern Police District (EPD) ang isang makabuluhang Simulation Exercise (SIMEX) ngayong araw sa Pasig City Police Station bilang bahagi ng implementasyon ng programang 5-Minute Response Time ni PNP Chief PGen Nicolas D. Torre III. Ginanap ang aktibidad sa EPD Headquarters Conference Room na dinaluhan ng mga pangunahing opisyal ng kapulisan sa distrito.

Kabilang sa mga dumalo si Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” N. Sotto, na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa inisyatiba ng PNP. Aniya, mahalaga ang ganitong mga pagsasanay upang masiguro ang mabilis at epektibong tugon ng mga awtoridad sa mga emerhensiya at upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.

“Nakakatuwang makita ang mabilis na aksyon ng ating kapulisan. Sa tulong ng mga bagong motorcycle units mula sa lokal na pamahalaan, mas mapapabilis pa natin ang pagtugon sa mga krimen at insidente,” ani Mayor Sotto.

Nanguna naman sa aktibidad si PBGen Aden T. Lagradante, District Director ng EPD, kasama ang buong EPD Command Group. Ayon kay Lagradante, hindi lamang pisikal na kahandaan ang pinapanday sa ganitong pagsasanay kundi pati ang mabisang koordinasyon at maayos na pagpapatupad ng mga operasyon.

Si PCOL Hendrix B. Mangaldan, Chief of Police ng Pasig City, ay nanguna sa pagpapakita ng mga estratehiya at proseso ng kanilang yunit sa ilalim ng simulated emergency scenarios. Dumalo rin ang mga Chief of Police mula sa Mandaluyong, Marikina, at San Juan, pati na ang mga district staff.

Layon ng SIMEX na mapagtibay ang ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at kapulisan, gayundin ang pagtitiyak na may sapat na kahandaan ang bawat istasyon ng pulisya sa pagtugon sa anumang uri ng banta sa seguridad ng publiko.

Natapos ang aktibidad sa pagbibigay ng mga obserbasyon at rekomendasyon na magsisilbing gabay sa mas epektibong estratehiya ng kapulisan upang makamit ang isang mas ligtas at mapayapang pamayanan sa buong Eastern Metro Manila.