December 23, 2024

5-M BOTANTE ‘DI MAKAKABOTO SA 2025 POLLS

Ryan San Juan

MAHIGIT sa limang milyong botante ang hindi na makakaboto sa gaganaping halalan sa susunod na taon.

Sa datos ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, 5,105,191 rehistradong botante ang na-deactivate sa opisyal na listahan habang 248,972 na pangalan ang natanggal. Pinakamarami di umano ang natanggal na botante mula sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) region.

Paliwanag ng opisyal, dapat lang naman aniyang tanggalin na sa official voters’ list ang mga yumao at maging yaong mga aniya’y may multiple at double registration.

“Yung natanggal ay dahil sa kamatayan at multiple at double registration,” paglilinaw ng Comelec chief.

Pasok din sa mga kinapon ang mga hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan, mga tinalikuran ang Filipino citizenship, at mga botanteng nagsumite ng kaduda-dudang dokumento tulad ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.

Samantala, nakatanggap naman ang ahensya ng kabuuang 409,329 aplikasyon para sa reactivation mula Pebrero 12 hanggang Hulyo 20. Batay sa pinakahuling bilang, nasa 4.6 milyon na ang nagparehistro para sa nalalapit na 2025 midterm election.