February 12, 2025

5 ‘durugista’ nadakma sa Caloocan buy-bust

NASABAT ng pulisya ang mahigit P200,000 halaga ng shabu sa limang drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, kabilang sa mga suspek na naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang 35-anyos na lalaking cook, 26-anyos na bebot at 50-anyos na e-bike driver.

Dakong alas-3:25 ng hapon nang madakma ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang mga suspek sa Torsillo St., Brgy. 28 matapos bentahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.

Nauna rito, alas-4:45 ng hapon nang maaresto din ng mga tauhan ni Lt Mables sa buy-bust operation sa Salmon St., Brgy. 8, si alyas ‘Tulak’, 26, at alyas ‘Tukmol’, 23. Nakuha sa kanila ang 16 grams ng suspected shabu na may katumbas na halagang P108,000.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Canals na abot sa P244,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa mga suspek.

Binati ni Col. Ligan ang walang patid na dedikasyon ng Caloocan City Police Station sa pangangalaga sa komunidad sa pamamagitan ng walang humpay na anti-drug operations.