January 22, 2025

5 drug suspects, timbog sa Malabon drug bust

KULONG ang limang drug suspects, kabilang ang dalawang lola matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforecement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra kay alyas “Edna”, 56, matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon ng SDEU na nagbebenta ito ng shabu.

Kaagad dinakip ng mga operatiba ng SDEU ang suspek, kasama ang kanyang mga kasabwat na sina alyas “John”, 52, at alyas “Marie”, 64, matapos matanggap ang pre-arrange signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer dakong alas-10:20 ng gabi sa harap ng isang paaralan sa M. Naval Street, Brgy. Hulong Duhat.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 11.2 grams  ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P76, 160.00 at buy bust money.

Bandang alas-3:10 ng madaling araw nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU sina alyas “Kano”, 33, at alyas “Ron-Ron”, 20, matapos umanong magsabwatan na bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy bust operation din sa P.Aquino Avenue, Brgy. Tonsuya.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 5.8 grams ng umano’y shabu na may standard drug price value na P39, 440.00 at buy bust money.

Ani PMSg Kenneth Geronimo, kasong paglabag sa Section 5 (Sale) in relation to Section 26 (Conspiracy) and Section 11 (Possession of Dangrous Drugs) under Article II of RA 9165 ang isinampa nilang kaso kontra sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.