December 24, 2024

5 drug suspects nalambat sa Malabon, Navotas buy bust

NASABAT sa limang hinihinalang drug personalities ang mahigit P.1 milyon g halaga ng droga matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Navotas Cities.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra kina alyas “Jay-R” at alyas “Zaldy” matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nila.


Nang tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek dakong 1:00 ng madaling araw sa Manapat St., corner C4 Road, Brgy. Tañong.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 16.24 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P110,432.00 at buy bust money.

Sa Navotas, natimbog naman ng mga operatiba ng SDEU team ng Navotas police sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez sa buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque bandang alas-3:07 ng madaling araw sina alyas “Oke”, 32, alyas “Tor”, 28 at alyas “Jomar”, 33.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakuha sa mga suspek ang nasa 5.14 grams ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price value na P34,952.00 at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.