January 11, 2025

5 drug suspects, kulong sa higit P400K droga sa Valenzuela

KULONG ang limang drug suspects, kabilang ang isang mag-asawa matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng illegal na droga sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong mga suspek na sina alyas “Rey”, 45, (HVI), kanyang asawa na si alyas “Daisy”, 45, alyas “Bhoy, 44, alyas “Mak”, 33 at alyas “Angel”, 40, pawang residente ng Brgy. Maysan.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Lt Col. Sales na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Rey kaya inutos niya sa kanyang mga tauhan na isailalim ito sa validation.

Matapos makumpirma na positibo ang report, bumuo ng team si Lt Col. Sales sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora saka ikinasa ang buy bust operation nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba.

Nang tanggapin umano ni alyas Rey ang marked money na may kasamang boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa loob mismo ng tinitirhan nilang bahay sa Ilang-Ilang St., Brgy. Maysan dakong alas-10:10 ng gabi, kasama ang kanyang asawa habang naaktuhan naman ang tatlo pang suspek na sumusinghot umano ng shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000, nasa 17.97 ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2,156.40, siyam pirasong suspected marijuana oil vape na nasa P21,000 ang halaga, iba-t ibang drug paraphernalias, weighing scale, buy bust money at itim na sling bag.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.