September 18, 2024

5 DRUG SUSPECT TIMBOG SA BUY-BUST SA VALENZUELA

LIMANG hinihinalang drug personalities, kabilang ang tatlong magkakapatid ang arestado sa buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang mga naarestong suspek na si Aries Rodriguez, 39, Nelson Verdejo, 43, Ryan Verdejo, 38, Norberto Verdejo, 45, at Wilfred Acibes, 35.

Alas-7:45 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Renato Ramento ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Block 10, Lot 5 RMS Vill Upper Tibagan, Brgy. Gen. T. De Leon.

Isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makabili sa mga suspek ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P500.

Nang iabot ng pulis ang marked money sa kanyang katransaksyon ay agad itong dinamba ng mga operatiba habang naaktuhan naman ang iba pang mga suspek na sumisinghot ng shabu.

Nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 6 gramo ng shabu na may standard drug price na P40,800 ang halaga, buy-bust money, P500 cash, cellphone, nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu at assorted drug paraphernalia.