May 6, 2025

5 DAYUHAN KALABOSO: BI NAGHIGPIT KONTRA OVERSTAYING AT ILIGAL NA MGA FOREIGNER

DAGUPAN CITY, Pangasinan — Umigting ang kampanya ng Bureau of Immigration (BI) laban sa mga banyagang iligal na nananatili sa Pilipinas matapos maaresto ang limang dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Pangasinan at Ifugao.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang sunod-sunod na operasyon ay patunay ng mahigpit na pagpapatupad ng immigration policies ng pamahalaan sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Hindi ligtas ang Pilipinas para sa mga walang dokumento o dayuhang lumalabag sa batas. Ang mga hindi sumusunod ay huhulihin, i-de-deport, at ilalagay sa blacklist,” pahayag ni Viado.

Nauna nang naaresto noong Abril 25 sa Dagupan City, Pangasinan si Emmanuel Emeka Ndukwe, 34 anyos, Nigerian national, sa tulong ng BI Regional Intelligence Operations Unit (RIOU) 1 at mga pulis mula sa PNP Region 1.

Naaktuhan si Ndukwe sa harap ng isang simbahan sa Brgy. Bolosan habang wala nang bisa ang kanyang pasaporte. Ngunit naging agresibo umano ito sa loob ng BI main office sa Maynila, kung saan nanakit siya ng dalawang personnel, kabilang ang isang nurse na nagsasagawa ng medical examination.

Samantala, apat na Chinese nationals ang inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Lagawe, Ifugao noong Abril 28 ng BI RIOU-CAR at RIOU-2, katuwang ang iba’t ibang law enforcement agencies.

Naaresto sa loob ng Ibulao Hydro Power Plant si Yang Yongxiang, 53 anyos, dahil sa overstaying at pagtatrabaho nang walang work permit. Kasama niya sina Yuan Tonghua at Zeng Jiakuan na parehong walang kaukulang papeles bilang mga empleyado ng planta.

Naaresto rin si Gan Yiyun, asawa ni Yang, sa isang negosyo sa bayan ng Lagawe dahil sa hindi awtorisadong trabaho at pagsisinungaling sa kanyang tirahan na labag sa Philippine Immigration Act.

Dinala sa BI main office sa Maynila ang limang banyaga para sa booking, biometrics, at preliminary investigation ng Legal Division. Inilipat sila sa BI Warden Facility sa Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings.

Binigyang-diin ni Viado na ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa batas at may koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya tulad ng PNP, CIDG, NICA, at iba pa.

“Walang puwang sa ating bansa ang mga dayuhang nananamantala at lumalabag sa batas. Patuloy ang aming pagbabantay,” diin ni Viado.

Patuloy na paiigtingin ng BI ang pagbabantay laban sa mga banyagang naninirahan at nagtatrabaho sa bansa nang walang tamang dokumento.