December 23, 2024

5 DATING OPISYAL NG PNP KASAMA SA INIIMBESTIGAHAN NG ICC

BUKOD kay Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang din sa posibleng iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC)  ang limang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa war on drugs ng dating administrasyon.

Sa kanyang pagharap sa ika-pitong pagdinig ng House Quad Committee, tahasang pinangalan ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti sina dating PNP chief at ngayo’y Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, dating PNP Drug Enforcement Group (DEG) chief Brig. Gen. Eleazar Mata, dating PNP Northern Luzon commander Maj. Gen. Romeo Caramat; at National Police Commission (Napolcom) Commissioner retired Lt. Gen. Edilberto Leonardo.

Paliwanag ni Conti na kumakatawan sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war na ang pagkakasama ng pangalan ng limang dating opisyal bilang posibleng iniimbestigahan ng ICC ay upang malaman kung ang kanilang posisyon ay dahil sa command responsibility.

Nang matanong naman kung gaano karami ang maaaring tukuyin na pinakaresponsable sa kaso ng crimes against humanity, tinukoy ni Conti si dating Pangulong Duterte dahil nagsimula aniya ang lahat sa kaniya.

Gayundin maging noong 2021 nang hilingin ng ICC prosecutor ang awtorisasyon sa paglulunsad ng imbestigasyon ay partikular din na tinukoy sina Dela Rosa at Albayalde.

Sa 57 pahinang request ng ICC prosecutor, tinukoy din ang directors ng Anti-Illegal Drugs Group at sumunod ang Drug Enforcement Group at ang PNP’s regional, provincial, at city-level directors na siyang nakatoka sa pakikipag-coordinate ng mga operasyon sa ground.

Sa kaso naman ni VP Sara Duterte, sinabi ni Conti na hindi kasama sa official public records ng ICC ang pangalan ng bise presidente.

Subalit malinaw na indikasyon aniya na maaaring kasama ito nang tukuyin ng ICC na ang scope o saklaw ng kanilang imbestigasyon ay mula November 2011 hanggang June 2022 kung saan kabilang dito ang kontrobersiyal na Davao death squad nang alkalde pa noon ng Davao city si VP Sara.

Subalit sinabi din ni Conti na kailangan pa ng karagdagang imbestigasyon para mapatunayang sangkot ito o isa ito sa mga perpetrator.