PATAY ang tatlong construction worker habang nakaratay sa pagamutan ang dalawa nitong kasamahan nang makoryente sa itinatayo nilang solar street light sa Camarines Sur nitong Biyernes ng hapon.
Dead on arrival sa ospital ang mga biktimang kinilalang sina Amador, 27, at JR, 30, ng Camarines Norte at Juan, 40, ng Camarines Sur.
Patuloy namang ginagamot si Anton, 24, ng Camarines Norte at Jose, 36, ng Camarines Sur na nasa kritikal na kondisyon.
Sa imbestigasyon ng Naga City Police Office, itinatayo ng mga biktima ang isang poste ng solar street light nang dumikit ito sa live wire na linya ng kuryente.
“Itong lima po na construction worker na nakahawak doon, inaalalayan ‘yong poste para ipatayo kaso hindi nila namalayan ‘yong pinakadulo ng street light, medyo gumalaw. Nag-ibang direksyon papunta sa main line kaya sila nakuryente,” ayon sa investigator on case na si PSSg Francis Pandoy.
Ayon sa Camarines Sur Electric Cooperative (CASURECO) II, hindi nakipag-ugnayan sa kanilang opisina ang contractor tungkol sa naturang patrabaho.
“Mga one week before ng execution ng trabaho na concern ‘yong mga primary line ng CASURECO 2 o ng mga electric cooperatives, dapat naka-abiso tayo dahil pwede nating i-require ‘yong contractor na maglagay ng line guards para, at least, kahit tumama man ‘yong poste na itinatayo nila walang makukuryente. ‘Yon naman talaga ang SOP… Ang nangyari wala talagang coordination,” saad ni CASURECO II Spokesperson Rinner Bucay.
Hindi rin umano naaayon sa patrabaho ang kasuotan ng mga biktima.
“Complete PPE. ‘Yon ang kailangan. Gloves, hard hat, dapat may safety shoes at nakapantalon tsaka ‘yong suot nila dapat may proteksyon and reflectorized. ‘Yon ang nakita natin na medyo may pagkukulang din ‘yong nag-e-execute ng trabaho o contractor,” dagdag ni Bucay.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung nagkaroon ng kakulangan sa Occupational Safety and Health Standards ang contractor ng mga biktima habang isinasagawa ang patrabaho.
Nagpaabot na ng tulong ang contractor sa pamilya ng mga nasawi, ayon sa NCPO.
More Stories
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS
US MAGBIBIGAY NG $1-M PARA SA PEPITO VICTIMS
3 SOKOR FUGITIVES NASUKOL NG BI