November 23, 2024

5 ARESTADO SA SABONG SA MAYNILA AT MALABON

ARESTADO ang limang katao nang salakayin ng pulisya matapos maaktuhan na nagsasabong sa mga lungsod ng Malabon at Maynila.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang mga naarestong suspek na si Wenceslao Lira, 69, Traxter Sidro, 27, security guard, at Ferando Dela Cruz, 41, ng accounting staff ng 513 NADHAI, pawang ng Brgy. Catmon.

Sa imbestigasyon nina PSSg Diego Ngipol at PCpl Michael Oben, nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang Malabon Police Substation 4 hinggil sa nagaganap na ilegal na tupada sa Dulong Dampsite, Sitio 6, Brgy. Catmon.

Kaagad nagsagawa ng verification at surveillance sa naturang lugar ang mga pulis kung saan naaktuhan ang mga suspek na nagsasabong dakong alas-6:40 ng umaga na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito. Narekober ng mga pulis ang dalawang patay na panabong na may tari at P1,300 bet money.

Nahuli rin ng Manila Police District (MPD) ang dalawang sabungero sa Vitas, Tondo, Manila.

Nakakulong na sa MPD-Raxabago Police Station 1 at nahaharap sa kaong illegal cockfighting sina Jayson Sosito, 30, driver ng Golden Shine Trucking, Harbour Center at Benjamin at Benjamin Caoile, 50.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jeffrey Arce, nadakip ang dalawa dakong 9:40 ng umaga ni P/ MSg Ramon Guina at ng kanyang grupo sa isang follow-up operation ng MPD-Station 1.

Nakumpsika sa kanila ang dalawang manok na panabong na may tari at perang pamusta na aabot sa ₱1,460. JUVY LUCERO/ITCHIE CABAYAN