January 24, 2025

48 LSI napositibo sa COVID-19! Rizal Stadium isinara

UMABOT na sa 48 locally stranded individuals (LSI) na dinala sa Rizal Stadium sa Maynila ang nagpositibo sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni ‘Hatid Tulong’ organizer Joseph Encabo kasabay ng pagsasabi na libo-libong LSIs na namalagi sa naturang lugar sa loob ng ilang araw ay naihatid na sa kanilang probinsiya.

Ang mga nagpositibo sa coronavirus ay dinala sa quarantine facilities para sa confirmatory testing.

Samantala, isinara muna ang Rizal Stadium para sa isasagawang disinfection ni Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MMRRMO) chief Arnel Angeles at ng kanyang mga tauhan.

Ayon naman kay Department of Public Services (DPS) chief Kenneth Amurao, siyam na truck ng basura ang nakolekta ng mga tauhan ng DPS  noong Miyerkules at Huwebes, habang 30 tonelada ang nahakot noong Lunes at Martes.

Ang naturang aksyon nina Amurao at Angeles ay alinsunod sa kautusan na ibinigay sa kanila ni Manila Mayor Isko Moreno bilang suporta sa ‘Hatid Tulong’ project.

Inatasan din ni Moreno si Amurao na isamang linisin ang mga palikuran na sobrang dumi at baho nang abutan ng DPS team.

Inihatid ang mga LSI sa mga iba’t ibang daungan at terminal ng mga militar para makauwi sa kani-kanilang probinsiya.