December 25, 2024

47 KINASUHAN DAHIL SA PEKENG COVID TESTS (Sa Central Visayas)

NAHAHARAP sa kasong kriminal ang 47 katao sa Cebu City, kabilang ang mga empleyado ng gobyerno,  dahil sa umano’y pamemeke ng resulta ng kanilang COVID-19 swab test.

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation sa Central Visayas dahil sa pandaraya ng records at paggamit ng pekeng certificates ang mga inirereklamo sa Cebu City Prosecutor’s Office noong Nobyembre 19 at 22.

Ang mga respondents, na nanatiling malaya, ay binigyan ng pagkakataon na magsumite ng kanilang counter affidavits upang pabulaanan ang mga paratang.

Ayon kay NBI regional director Rennan Augustus Oliva, nag-ugat ang reklamo mula sa request ni Dr. Gerardo Aquino Jr., medical chief ng Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, na imbestigahan ang talamak na pekeng resulta ng mga swab test gamit ang pangalan ng government hospital.

Ani Oliva, ibinigay ni Aquino sa NBI ang listahan ng mga pangalan na iimbestigahan.

“We called them (respondents) one by one. Many of them used the negative swab test result to travel sometime in June and July,” wika niya.

Sa mga buwang iyon, sinabi ni Oliva, na kailangan ng negatibong transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result para makapaglakbay sa ibang lokalidad.
“Many of them were in a hurry and wanted to take a shortcut. Now, they have a problem,” ayon pa kay Oliva.

Aniya, nagbayad ng P1,000 ang mga respondents, na nanggaling sa mga siyudad ng Lapu-Lapu, Mandaue, Cebu, gayundin sa mga bayan ng Argao at Liloan sa lalawigan ng Cebu, at Tagbilaran City sa lalawigan ng Bohol, para magkaroon ng negatibong swab test results mula sa iba’t ibang source.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga taong nasa likod ng paggawa ng mga pekeng dokumentong ito.