NAGSAGAWA ng operasyon ang bagong talagang COVID-19 safety marshalls sa mga kalye ng Maynila upang paalalahanan ang mga residente na ugaliing magsuot ng face mask at panatilihin ang social distancing ngayong araw. Umabot sa 400 tauhan ng mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang itinalaga sa nasabing coronavirus safety marshall kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno, upang makatulong sa pagpapatupad ng safety protocols sa muling pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Maynila mula Agosto 4 hanggang 18. (kuha ni NORMAN ARAGA)
IKINALAT ang aabot sa 400 Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) enforcers bilang COVID-19 safety marshals na tutulong sa pagpapatupad ng ng mga health protocols sa Maynila.
Pinangunahan ni Mayor Isko ang pagtatalaga sa COVID-10 safety marshals na nagsimula nang magsagawa ng operasyon ngayong araw.
Ayon sa alkalde ang COVID-19 safety marshals ay tutulong sa mga pulis at opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng health protocols sa kasagsagan ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
“Kayong lahat ay sanay sa kalsada. Araw-araw na ginawa ng Diyos marami na kayong nakitang makukulit, marami na rin kayong experience sa pakikiusap sa mga tao. Alam ko ang sinasaway niyo lang ay driver, pero simula sa araw na ito, ang sasawayin niyo na ay taumbayan,” pahayag ni Moreno.
Tutulong din aniya ang COVID-19 safety marshals sa PNP at Manila Police District (MPD) upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
Bitbit ng isang pulis ang isang megaphone at wooden stick habang naglalakad sa gitna ng kalsada sa Blumentritt sa Maynilam upang paalalahanan ang mga namamalengke na magsuot ng face mask at ugaliin ang tamang distasnsiya sa ikatlong araw ng pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit na probinsiya dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus sa National Capital Region. (Kuha ni NORMAN ARAGA).
Paalala naman ni Moreno, “sasawayin natin ang mga hindi sumusunod sa batas, pero hindi natin kailangan maging mainitin ang ulo, hindi tayo kailangan maggagalit-galitan. Magagalit lang tayo kapag talagang may tiyak na kagaguhan, kawalanghiyaan, katalonggesan.”
“While you’re still in government, I want you to see the Manila Clock Tower as a symbol of hope for our city. Maging pamantayan natin. Hanggang nakatatag yan, hanggang nakatayo yan, may Pamahalang Lungsod na magmamalasakit sa kanyang mamamayan,” dagdag pa nito.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY