January 24, 2025

40-60M Pinoy, di mababakunahan ngayong 2021

TINATAYANG 40 hanggang 60M Pinoy ang hindi mababakunahan ng COVID-19 vaccines sa taong 2021.

Ito ang lumutang sa pag-iimbestiga ng Committee of the Whole ng Senado sa pamumuno ni Senate President Tito Sotto III sa nakalata na plano ng gobyerno para sa pagbakuna na pinondohan ng P72.5-billion  sa ilaim ng  2021 national budget.

Sinabi ni vaccine czar retired Gen. Carlito Galvez, Jr., na sa kabuuang populasyon ng Pilipinas, aabot lang sa 60-70M Pinoy ang mababakunahan ngayong taon kung available na ang supplies ng bakuna.

Sa naturang bilang, umaabot sa 30-milyong Pinoy ang kasama sa priority groups na babakunahan, kasama na ang mga frontliner, senior citizens, OFWs at Seafarers.

Ayon pa kay Galvez, tinatayang 26.4M hanggang 45.4M Pinoy ang susunod na priority groups na babakunahan pero hindi pa malinaw ang composition nito.

“We can have early vaccine rollout by February. We’ll prioritize targeted area for vaccine rollout. Each vaccine will undergo strict regulatory processes,” paliwanag ni Galvez sa mga Senador.

Kinuwestyon naman ni Senadora Imee Marcos ang patakaran ng NTF sa pagbili ng bakuna dahil mismong ang local government units ay nalilito kung anong tripartite agreement ang susundin dahil wala pang iniisyu ang gobyerno na template sa vaccine deals.

Sinabi pa ni Marcos na hindi maintindihan ng LGUs kung bakit kailangan pa ng tripartite agreement sa pagitan ng LGUs, NTF at vaccine developer gayung hindi naman pinapayagan na pumasok sa kasunduan ang ilang LGUs.

“May mga LGU na nalilito sa tripartite agreement na  yan.  Hindi maintindihan ng mga LGU kung bakit kelangan ang tripartite agreement, pero ang ibang LGUs hindi pwede makipag-deal. For example, Vigan city was allowed but Laoag city was not allowed to. Karambola na ito at talagang unahan na lamang,” giit ni Marcos.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Galvez na dadaaan muna sa validation ng national task force on covid-19 ang masterlist ng mga LGU sa unang batch ng mga  babakunahan.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Galvez na may 13 LGUs sa Metro Manila ang nakipag-deal na sa iba’t-ibang vaccine manufacturers  sa abroad.

Kabilang na rito ang Makati-P1B; Taguig-P1B; Quezon City – P1B; Pasig -P300;

Manila-P250M; Paranaque-P250M; Pasay-P250M; Mandaluyong-P200M; Valenzuela-P150M; Caloocan -P125M; Marikina -P82.7M; San Juan-P50M at Navotas -P20M.

Nilinaw naman ni Food and Drugs Administration chief Usec. Eric Domingo na kailangan ng emergency use authorization bago maiturok sa mga Pinoy ang bakuna na bibilhin ng gibyerno.

Sinabi rin ni Health Sec. Francisco Duque na hindi basta-basta magbibigay ng bakuna nang hindi alam ang magiging epekto nito sa tao.

Samantala, Inilabas din ni Galvez ang comparison ng cost and efficacy ng COVID-19 vaccines:

Company                  Cost per dose          Efficacy

Moderna                   USD37.00                 95%

Sinovac                      USD30.00                 50-90%

Pfizer-BioNtech       USD20.00                 95%

Sputnik V                  USD10.00                 92%

AstraZeneca             USD4.00                    62-90%

Iginiit naman ni Seante Minority Leader na dapat matanggal na ang regulatory roadblocks sa pagbili ng covid vaccines. Tinawag ni Senadora Pia Cayetano na isang ‘live show’ ang covid vaccine rollout na inaabangan ng publiko. FLORANTE ROSALES