NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco kaugnay sa pagkakaharang sa apat pang trafficking victims na nagpanggap na mga turista.
Unang iniulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBE) ang pagkakaharang sa mga biktima, tatlong babae at isang lalake, noong Pebrero 17 sa Clark International Airport (CIA), matapos nilang tangkaing sumakay sa Cebu Pacific flight patungong Bangkok.
Ayon sa ulat, dalawa sa mga biktima ay magpinsan, na na-recruit gamit ang Facebook para magtrabaho sa Koh Kong, Cambodia. Nag-invite pa sila ng dalawa pa upang samahan sila sa worksite, at sinabi nila na inutusan sila na magpanggap bilang mga turista sa Thailand para sa bakasyon upang linlangin ang immigration authorities.
Inamin nila na inalok sila ng trabaho bilang non-voice customer representative na may buwanang sahod na halos 800 USD, na may libreng pagkain at matutuluyan.
“Paulit-ulit nalang. These individuals have good backgrounds, are tech savvy, yet they chose to be blinded by the offers of these syndicates,” saad ni Tansingco.
Aniya, ilang daan na rin ang napauwi na na-recruit gamit ang parehong modus, pero sa huli ay nauuwi lamang sila sa scam hubs na may mababang sahod at inaabuso pa.
“Hindi ba sila natatakot? Ang pag-alis sa iligal na pamamaraan ay napakalaking risk, lalong lalo na’t alam na natin ang kinahihinatnan ng maraming biktima,” dagdag niya.
Matatandaan nitong unang bahagi ng taon, ibinahagi ng BI ang pagpapauwi sa mag-asawa na na-recruit din sa social media, pero sa huli ay ikinulong at inabuso pa sila ng kanilang employer. Pinagbabayad din sila ng halos P800,000 para pakawalan ng kanilang kompanya.
Itinurnover ang apat na biktima sa CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para tulugan sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiter.
More Stories
Tulak huli sa Navotas buy bust, halos P400K shabu nasabat
Rider na walang helmet, tiklo sa mga baril at shabu sa Caloocan
Wanted na rapist, nakorner sa Malabon