
PATAY ang tatlong magkakapatid, kabilang ang isang person with disability (PWD), at isa nilang pamangkin nang ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Malabon City, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan ang mga nasawi na sina alyas “Cora”, 38, PWD, mga kapatid na sina alyas “Naldo”, 35, alyas “Connie” 26, at siyam na taong gulang nilang pamangkin na si alyas “Jane”, Grade 3 student ng Imelda Elementary School.
Lumabas sa imbestigasyon ni FO2 Edralin Santos ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) na dakong alas-3:45 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bahay ng 69-anyos na si alyas “Cita” sa Blk. 15, Lo 37, P2, A3, Brgy. Longos sa hindi pa batid na dahilan.
Mabilis na kumalat ang apoy hanggang madamay ang anim na bahay na pawang gawa sa kahoy kung saan dakong alas-4:50 ng madaling araw nang makontrol ang apoy na umabot sa unang alarma at tuluyan naapula alas-6:52 ng umaga.
Nadiskubre naman ng mga bumbero ang labi ng mga nasawi sa likurang bahay ng nasunog nilang bahay na posibleng hindi na nagawang makalabas bunga ng mabilis na paglaki ng apoy.
Kasakuluyang inaalam pa ang halaga ng natupok na mga ari-arian habang patuloy ang pagsisiyasat ng BFP upang matukoy ang naging sanhi ng sunog. (JUVY LUCERO)
More Stories
3 High Value Individual nasakote sa P1.36-M ‘shabu’ sa San Pablo City, Laguna
‘Pamilya Ko’ Partylist mainit na tinanggap sa bayan ng San Luis, Batangas
Imprenta ng balota sa midterm polls 92% na