November 2, 2024

4 timbog sa P95K shabu sa Valenzuela

Shoot sa kulungan ang apat na hinihinalang sangkot sa illegal na droga matapos maaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

          Sa report ni PSMS Fortunato Candido kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-5 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa NPC Road, Brgy., Ugong.

          Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Cris Mariñas, 34, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer.

          Kasama ring dinakip ng mga operatiba si Juan Carlo Hernandez alyas Kalong, 35, at Benny Consolacion, 40, matapos makuhanan ng hinihinalang shabu.

          Narekober sa mga suspek ang tinatayang nasa 4 grams ng hinihinalang shabu may standard drug price P27,200, buy-bust money, P1,020 cash, 3 cellphones at itim na belt bag.

          Nauna rito, natimbog din ng kabilang team ng SDEU si Glenn Pineda alyas Ego, 29, matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy-bust operation sa Sampaguita St., Brgy. Marulas dakong alas-12:40 ng madaling araw.

          Ayon kay SDEU investigator PCpl Christopher Quiao, nasamsam kay Pineda ang humigit-kumulang sa 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, buy-bust money, P200 cash at cellphone.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JUVY LUCERO)