APAT na sundalo – walang armas at nakasibilyan – ang napatay ng siyam na pulis sa isang checkpoint sa Jolo, Sulu noong Hunyo 29.
Pero lumabas sa inisyal na report ng pulisya na “misencounter” ang nangyaring isidente, at sinasabi na ang naturang apat na armadong lalaki na sakay ng isang gray Montero ay nagpakilalang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inutusan ang mga ito na magpunta sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon, pero imbes na sumunod ay tumakas ang mga ito, kaya hinabol ng mga pulis. Nang makorner, pinaputukan daw ng mga armadong lalaki ang pulisya dahilan para gumanti ito.
Noong Miyerkules, tinawag na murder ng Philippine Army ang ginawang pamamaril ng mga pulis sa apat na army intelligence opetatives.
Ayon sa Philippine Army, inimbento lang ng Philippine National Police, ang spot report nila tungkol sa insidente na sinasabing ‘nanlaban’ ang mga sundalo dahil wala silang armas noong mga panahong iyon.
Mismong sina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Felimon Santos, Jr. at Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay ang sumalubong sa mga napatay na sundalo.
Pero may kahalong galit ang lungkot na nadama nila sa pagdating ng mga labi nina Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod, at Sgt. Jaime Velasco, ang 3 sa 4 na napatay ng mga pulis noong Lunes. Ang naiwan ay si Corporal Abdal Asula.
Pero base sa mga retrato mula sa crime scene, walang baril sa paligid ng bangkay nina Indammog, Velasco, at Asula. Si Managuelod naman ay nasa loob pa ng sasakyan nang barilin.
Ayon kay Gapay, may sinusundan noon ang mga intel operatives na dalawang miyembro ng Abu Sayyaf. Maayos din umanong nagpakilala ang mga sundalo sa mga pulis.
Kaya para sa kanila hindi ito maling engkuwentro kundi sadyang pagpatay.
Ang tanong tuloy ni Gapay bakit tumakas ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo? Hindi ba dapat nila i-secure ang site? Hindi ba’t kapag may napatay, kailangang mong mag-cordon sa lugar at hintayin ang SOCO?
Ito pa, isang video clip ang lumabas sa social media na ipinost ni dating AFP chief Ricardo Visaya kung saan maraming paglabag ang nakita sa paghawak ng crime scene pagkatapos ng insidente. Makikita na palakad-lakad ang mga law enforcer sa pinangyarihan ng krimen, ginagalaw ang katawan ng biktima, binuksan ang pinto ng kanilang sasakyan, at tila may kinukuha sa loob nito.
Bagama’t inutos na ni Interior Secretary Eduardo Año na disarmahan ang mga pulis na sangkot sa pamamaslang at isailalim sa kustodiya ng Sulu Provincial Police Director habang nag-iimbestiga ang Criminal Investigation and Detection Group at Naional Bureau of Investigation sa insidente.
Hindi ito ang unang kaso na may itinumba ang pulis na tinatawag nilang suspek at tinatawag na nanlaban, na may baril na karaniwang natatagpuan sa mga biktima.
Pero sa pagkakataong ito, ang salitang ‘nanlaban’ ng pulisya, na kadalasan ay ginagamit sa mga mahihirap at walang kalaban-laban na mga suspek, ay ginamit laban sa mga militar. Anyare?
Mantakin ninyo, wala ng sini-sino ang ating mga kapulisan kahit maging militar basta’t pinaghihinalaan nilang kalaban. Mapagtanto kaya ng administrasyong Duterte na lubos na kabaliwan ang pagbibigay sa PNP ng kapangyarihan na pupuwedeng magdulot ng labis na takot sa mamamayan sa ilalim ng panukalang anti-terrorism law?
More Stories
ANG KANLURANG DAGAT NG PILIPINAS
Ang Disyembre ay Buwan ni Rizal
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo