September 19, 2024

4 sangkot sa droga, natimbog sa buy-bust

NADAMBA ng mga operatiba ang apat na hinihinalang drug personalities sa isinagawang buy-bust sa Valenzuela city, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Frederick Sunga, 40, Angelo Cunanan, 25, Chito Liwag, 46, at Joey Martin, , 48, pawang ng Isla, ng lungsod.

Sa imbestigasyon ni PCpl Christopher Quiao, alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Ronald Sanbchez sa ilalim ng pangangasiwa ng Col. Ortega ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa 233 Isla, ng lungsod.

Isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makabili sa mga suspek nang shabu na nagkakahalaga sa P500.

Nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 3 gramo ng shabu na nasa P20,400 ang halaga, buy-bust money, tatlong cellphones, isang digital weighing scale at P1,500 cash.