December 25, 2024

4 sangkot sa droga nalambat ng maritime police

Swak sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities matapos maaktuhan ng mga tauhan ng Maritime Police na sumisinghot ng shabu at nag-aabutan ng droga sa Navotas City.


Sa report ni PCpl Jan Israel Jairus Rhon Balaguer kay Northern NCR Maritime Police (MARPSTA) head P/Major Randy Ludovice, dakong 2 ng madaling araw, nagsasagawa ang mga tauhan ng MARPSTA sa pangunguna ni PLT Erwin Garcia ng foot patrol na may kaugnayan sa pagpapatupad ng MECQ sa corner alley ng BGA Compound, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBN.

Dito, naispatan ng mga pulis si Rowena Ramirez alyas “Weng”, 46, at Suzette Cariño, 49, na nag-aabutan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na naging dahilan upang agad silang arestuhin ng mga parak.

Nauna rito, dakong 7:30 ng gabi, nagsasagawa din ang mga tauhan ng MARPSTA ng foot patrol sa kahabaan ng Kadamay St., Market 3, Navotas Fishport Complex nang maaktuhan nila si Eme Abadiano, 50, at Jenny Abrancillo, 38, na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang nakabukas na kubo.
Kaagad inaresto ng mga pulis ang mga suspek at ayon kay PSSg Marcelo Agao, nakumpiska sa kanila ang tatlong transparent plasticsachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.