April 28, 2025

4 Pinoy na Nabiktima ng Human Trafficking sa Cambodia, Nailigtas; BI Nagbabala sa Pekeng Job Offers

PASAY CITY — Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa dumaraming kaso ng human trafficking, matapos ma-rescue ang apat na Pilipino na ibinenta umano sa iba’t ibang online scam syndicates sa Cambodia.

Dumating ang mga biktima, nasa edad 20 hanggang 30, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Abril 19 sakay ng Philippine Airlines mula Phnom Penh. Isinagawa ang repatriation bilang bahagi ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa human trafficking at protektahan ang kapakanan ng overseas Filipinos.

Sa tulong ng Philippine Embassy sa Cambodia at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), ligtas na naiuwi ang mga biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na ang mga biktima ay na-recruit sa pamamagitan ng mga pekeng job ads sa Facebook na nangakong may mataas na sahod bilang encoder at customer service staff. Ngunit pagdating nila sa abroad, kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at pinilit silang magtrabaho sa mga online scam operations—nagpapanggap bilang FBI agents o romantic partners sa dating platforms upang makapanloko ng mga dayuhan.

Kapag hindi umano nakamit ang mga target, sila ay pinaparusahan, pinagtatrabaho nang lampas 16-20 oras, at kalaunan ay ibinebenta pa sa ibang sindikato na tila kalakal lamang.

“Para silang pag-aari na binibili, binebenta at inaabuso,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado. “Malinaw sa kwento nila na walang konsiderasyon ang mga sindikato sa dignidad ng tao. Dapat na itong matigil,” dagdag niya.

Ibinunyag pa ng isang biktima na nakaligtas siya matapos siyang ipasa sa ibang sindikato dahil sa “poor performance.”

Binigyang-diin ni Viado na pursigido ang pamahalaan, sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Marcos, na buwagin ang mga human trafficking networks.

“Pinapayuhan namin ang mga kababayan na huwag basta-basta tumanggap ng alok online. Dumaan lamang sa Department of Migrant Workers,” paalala ni Viado.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng IACAT ang mga recruiter na responsable sa ilegal na pagpapalipad ng mga biktima sa abroad.