November 2, 2024

4 nalambat sa buy bust sa Navotas, Malabon

BUMAGSAK sa loob ng rehas na bakal ang apat na hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos masakote sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Navotas at Malabon Cities.

Ayon kay Navotas police Chief Col. Dexter Ollaging, dakong ala-1:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa R. Domingo St. Brgy. Tangos North.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba sina Mac Sengson, 28 at Anthony Ronquillo, 45, kapwa (pusher/listed) matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000 at marked money.

Sa Malabon, natimbog naman ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU team sa ilalim ng pangangsiwa ni PLT Alexander Dela Cruz sa buy bust operation sa Macopa Road, Brgy. Potrero dakong alas-3:30 ng madaling araw sina Erwin Sanchez, 27 at Richard Tumanday, 46.

Ani P/Col. Albert Barot, nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang 1.27 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P8,636.00 at P500 buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002.