December 20, 2024

4 naaktuhang sumisinghot ng marijuana sa Valenzuela

ARESTADO ang apat na kalalakihan, kabilang ang isang menor-de-edad matapos maaktuhan sumisinghot ng marijuana at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong mga suspek na sina alyas “John Rey”, 21, “Joshua”, 19, college student, kapwa ng Meycauayan, Bulacan, “Paulo”, 22, helper ng C. Molina St., Viente Reales at ang 17-anyos na binatilyong senior high school student ng Maysan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Carlito Nerit Jr, habang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni P/Cpt. Emanuel Cristobal sa kahabaan ng Block 6, C. Molina St. Brgy. Viente Reales nang maaktuhan nila ang mga suspek na sumisinghot ng hinihinalang marijuana sa loob ng isa mga ginigibang bahay dakong alas-9:55 ng gabi.

Kaagad silang nilapitan nina PSMS Roberto Santillan, PSSg Ricardo Santos Jr, Pat Jericho Baddungon at Pat Sherwin Caampued saka inaresto kung saan nakuha kina John Rey, Joshua at Paulo ang humigi’t kumulang 517 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P62,040.00.

Bukod dito, nakumpiska din ng mga pulis sa mga suspek ang ilang drug paraphernalias habang ang isang improvised firearms (sumpak) na kargado ng isang bala ng caliber .38 ay nakuha kay John Rey.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ang kakaharapin ni John Rey.