
ARESTADO ang apat na hinihinalang drug pushers sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief Col. Jessie Tamayao, alas-3 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcemen Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSSg Edison Dela Cruz sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Venchito Cerillo ang buy-bust operation kontra kay Jan Bryan Arizala, 34, at Anthony Cyrel Sayson, 28, sa Camia St. Brgy. Maysilo.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Ani SDEU investigator PMSg Randy Billedo, nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 11.00 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P74,800 at buy-bust money.
Sa Pampano St. Brgy. Longos, nadamba din ng mga operatiba ng SDEU sa buy-bust operation si Jhardy Escaran, 29, at Rommel Ortiz, 26, alas-3:45 ng madaling araw.
Nakumpiska sa mga suspek ang 13 plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 23 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nasa P2,760 ang halaga at P500 buy-bust money.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa naarestong mga suspek sa Malabon City Prosecutors Office.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards