ARESTADO ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang apat na South Korean fugitives na wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa serious crime.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco nadakip ang mga dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon nitong Pebrero sa Metro Manila at Pampanga, na isinagawa ng FSU sa ilalim ni Rendel Ryan Sy.
“We are in the midst of an intensified campaign to flush out these wanted foreigners who are using the country as a refuge to elude arrest and prosecution for crimes they committed in their homeland,” ani Tansingco.
Ayon kay BI chief, ipade-deport ang apat na South Korean sa kanilang bansa dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens. Dagdag pa nito na ni-revoke na rin ang mga pasaporte ng mga nasabing dayuhan ng kanilang gobyerno.
Kasalukuyang nakakulong ang apat sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation pagkatapos ay ilalagay sila sa blacklist ng bureau, dahilan para hindi na sila makabalik ng Pilipinas.
Unang naaresto noong Pebrero 1 sa San Antonio Village, Pasig City ang 39-anyos na si Chun Junghoion, na nasa wanted list ng bureau magmula 2020 nang iutos ng BI board of commissioners ang pag-deport laban sa kanya.
Inisyuhan ng arrest warrant si Chun ng Busan district court noong Enero 2020 matapos mapatunayan na nagtatrabaho ito bilang telemarketer mula sa isang telecom fraud syndicate na nakapanloko ng kanyang mga biktima ng higit sa 3 million won o halos US$3,000 sa pamamagitan ng voice phishing.
Nitong Pebrero 4, nadakip ng mga ahente ng FSU ang 44-anyos na si Kim Jingsuk sa Brgy. Anonas, Angeles City, Pampanga, matapos akusahan ng district court ng Chuncheon, South Korea ng paglustay ng 367 million o humigit-kumulang US$300,000 mula sa kanyang employer sa pamamagitan ng ilegal na pagbebenta ng 1,300 toneladang imported na karbon mula sa Russia.
Nadakip din ng araw ding iyon sa Pampanga si Park Geon Jin, 34, na wanted sa Seoul Seobu District Court sa Korea dahil sa pagiging miyembro ng voice phishing organization, na nakatangay na ng higit 7.65 milyong Korean won mula nang mag-operate noong 2018.
Nitong Pebrero 8 nang maaresto ang 40-anyos na Park Kyoungtae, na wanted sa operasyon ng illegal gambling website mula pa noong 2020.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!