January 8, 2025

4 KAWANI NG NBI, KASABWAT NA 7 FIXERS KALABOSO


NASAKOTE ang apat na kawani ng National Bureau of Investigation (NBI) at pitong fixers sa ikinasang entrapment operation noong Lunes sa labas ng NBI Clearance Center sa United Nations Avenue, Ermita, Maynila.


Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nadakip ang pitong fixer matapos silang mahuli na nag-aalok ng mas mabilis na pag-isyu ng NBI clearance kapalit ng halagang mula P800 hanggang P2,000.

Aniya pa, naaresto ang NBI employees na diumano’y nakikipagtulungan sa mga fixer para sa mas mabilis na proseso ng NBI.

Nakatanggap umano siya ng impormasyon kaugnay sa illegal na aktibidad ng mga kawani ng NBI kaya’t isang entrapment operation ang isinagawa ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) and the NBI – Special Task Force (NBI-STF).


Binigyang-diin ni Director Santiago na wala nang lugar ang katiwalian sa ilalim ng kanyang pamumuno at magiging mahigpit siya sa pagtugis sa mga lalabag sa batas.

Nahaharap ang mga nadakip sa mga kasong Direct Bribery (Article 210 ng Revised Penal Code), paglabag sa R.A. No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), R.A. No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at R.A. No. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay ng R.A. No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). ARSENIO TAN