January 11, 2025

4 drug suspects arestado sa P400K droga sa Caloocan

BAGSAK sa kulungan apat na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong suspek na sina alyas Leinard, 22, (HVI), alyas Jonathan, 41, alyas Otep, 41, at alyas Joven, 28.

Sa kanyang ulat kay7 Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Major Rivera na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pamamayagpag ng pangalan ni ‘Leinard’ sa pagbebenta ng illegal na droga.

Agad bumuo ng team si Major Rivera sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Leinard’ dakong alas-3:03 ng madaling araw sa loob ng bahay Malolos Avenue East Bagong Barrio, Barangay 157.

Ayon kay Capt. Pobadora, kasama ring inaresto nila ang tatlo pang mga suspek matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng naturang bahay.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 61.27 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P416,636.00, buy bust money at mga drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.