December 24, 2024

4 CHINESE DEDBOL SA P262-M SHABU SA PAMPANGA

PATAY ang apat na Chinese nationals sa nangyaring engkuwentro at palitan ng putok ng baril sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pinagsanib na puwersa mga mga operatiba ng militar at ng Philippine Drug Enforcement Agency o (PDEA) kabilang ang PDEA RO3, PDEA-IIS, PDEA SES, PDEA NCR, AFP Task Force NOAH, MIG 41, NOLCOM, NICA, PDEG NCR, NCRPO-RID, BOC at ng Angeles City Police Office, bandang alas-10:00 ng umaga ngayong Lunes sa Gadiola St., Punta Verde Subdivision, Brgy. Pulong Cacutud, Angeles City, Pampanga.

Kinilala ang mga napatay na Chinese nationals na pinaniwalaang galing sa tatlong probinsya sa China na sina Cai Ya Bing alyas “CAI”, 29-anyos, taga-Yucheng City, Shanxi; Erbo Ke, alyas “Payat”, 34-anyos,  galing ng Quanzhou City, Fujian; Huang Guidong, 43-anyos; at si Wuyuan Shen na gumagamit din ng pangalan na (Jinpeng Zhang), 41 taon gulang, kapwa taga-Zhang Zhou, Fujian sa China.

Base sa naging panayam kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, natunugan ng apat na mga suspek na otoridad ang kanilang mga katransaksyon kaya’t agad na bumunot ng kanilang dalang mga baril at nakipagpalitan ng putok sa mga taga-PDEA at iba pang mga law enforcers na nauwi sa pagkamatay ng apat na Chinese.

Narekober sa lugar ng insidente ang 38 kilo ng mga pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P262, 200,200, apat na piraso ng Caliber 45 na baril, dalawang  piraso ng iPhone cellular phones at digital weighing scale.

Samantala pinapurihan din ni PNP Chief PGen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga otoridad na tumulong sa pagrekober ng mga iligal na droga at nakapatay sa mga suspek na mga sinasabing mga responsable sa pagpapakalat ng droga sa Metro Manila at Calabarzon. (KOI HIPOLITO)