December 27, 2024

4 arestado sa tupada sa Navotas

Apat katao ang nadakip ng pulisya sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang mga naarestong suspek na sina Gerald Muares, 34, seafarer, Arnel Alayon, 27, kapwa ng Aquarius St., Brgy. San Roque, Aryet Ochoa, 27 ng 104 Bagong Kalsada St., Brgy. Tangos South at Aldrin Manliclic, 36, joy ride rider ng F. Pascual St., Brgy. Tangos South.

Sa imbestigasyon ni PSSg Leofoldo Lumbang Jr, dakong alas-2:45 ng hapon, nagsasagawa ng covert monitoring ang mga operatiba ng Intelligence Section ng Navotas police sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Luis Rufo Jr, sa Tulay Uno, Daang Hari St., Brgy. Daang-hari.

Dito, naaktuhan nila ang mga suspek na nagsasagawa ng ilegal na sugal na kilala bilang “Tupada” na naging dahilan upang arestuhin sila nina PSSg Mervin Villañueva, PSSg Ever Layco, PSSg Jess Rondell Sauza at PCpl Joemar Dacallos.

Nakumpiska sa mga dinakip ang dalawang panabong na manok na may tari at P2,370 sa magkakaibang denomination na gamit bilang bet money kaya dinala sa himpilan ng pulisya para sa investigation at disposition.