November 16, 2024

4 arestado sa pusoy at shabu sa Valenzuela

ARESTADO ang apat katao matapos maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal kung saan isa sa kanila ay nakuhanan pa ng shabu sa Valenzuela City, Martes ng gabi.

Sa report ni PSSg Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief P/Col. Allan Umipig, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 7 mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal gambling activity sa Blk 31, Lot 9, Northville 2, Brgy. Bignay.

Kaagad namang nagtungo sa nasabing lugar ang mga pulis kung saan naaktuhan nila sina alyas Francisco, 45, alyas Rufo, 48, alyas Louie, 26, pawang ng Northville 2 at alyas Jobert, 36 ng Caloocan City na naglalaro ng sugal na ‘Pusoy’ dakong alas-8:20 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang deck ng playing cards (baraha) at bet money na P550 sa magkakaibang denominations habang ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,616.00 ay nakuha ng mga pulis kay ‘Francisco’.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law/Pusoy) habang karagdagan kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ni ‘Francisco’.