June 4, 2025

39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration

Kuha sa larawan ang mga dayuhang naaresto sa isinagawang operasyon ng Bureau of Immigration sa isang telco company sa BGC, Taguig. (ARSENIO TAN)

Umabot sa 39 na foreign nationals ang naaresto sa isang coordinated raid na isinagawa ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division sa Bonifacio Global City (BGC) noong Mayo 29, 2025.

Pinangunahan ni Fortunato “Jun” Manahan, hepe ng BI Intelligence Division, ang operasyon na isinagawa kasama ang Philippine National Police Southern Police District (PNP-SPD). Target ng operasyon ang isang malaking telecommunications company kung saan natagpuan ang mga dayuhang Chinese na diumano’y nagtatrabaho nang labag sa mga patakaran ng imigrasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Manahan, wala raw maipakitang valid travel documents ang mga naarestong indibidwal sa panahon ng raid kaya sila ay itinuturing na undocumented aliens. Sa masusing beripikasyon, nalaman na bagama’t may hawak silang working visa, ang mga ito ay inilabas sa ngalan ng ibang kumpanya kaya lumalabag ito sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.

Sinabi ni Manahan na bago ang raid ay may ilang linggo ng surveillance at intelligence gathering na isinagawa ng BI kasama ang ibang ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na foreign workers sa Metro Manila.

Kasama sa proseso ang booking ng mga naarestong dayuhan at ngayo’y naka-detain sila sa BI detention facility sa Bicutan habang hinihintay ang deportation proceedings laban sa kanila. (ARSENIO TAN)