
Mas maraming adult Filipino ang nagpahayag ng suporta para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa kanyang administrasyon, o doble ng suporta na nakuha ng mga Duterte at kanilang political alliance, ayon sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Base sa Tugon ng Masa (TNM) Pre-Election Survey na isinagawa ng OCTA Research mula Enero 25 hanggang 31, 36% ng mga sumagot ang nagpakilala bilang pro-Marcos. Bahagyang bumaba ito mula sa 38 porsyento sa katulad na survey noong Agosto ng nakaraang taon. Samantala, 18 porsyento ang nagsabing sila ay sumusuporta sa pamilya Duterte at sa kanilang mga kaalyado, tumaas mula sa 15 porsyento noong 2024.
Ang porsyento ng mga nagsabing sila ay walang kinikilingan sa politika ay nanatiling 26 porsyento. Samantala, ang bilang ng mga nagsabing sila ay pro-oposisyon ay bahagyang tumaas mula 7 porsyento patungong 8 porsyento. Ang natitirang 12 porsyento ay tumangging sumagot o nagsabing hindi sila sigurado, mas mababa kumpara sa 14 porsyento sa naunang survey.
Tinanong ng OCTA Research ang mga kalahok kung aling pampulitikang panig ang pinakamahusay na naglalarawan sa kanila mula sa ibinigay na mga pagpipilian. Para sa mga pro-oposisyon, binanggit sa survey ang ilang personalidad at grupo, kabilang si dating Pangalawang Pangulo Leni Robredo at ang Liberal Party. Samantala, ang mga independente ay kinilala bilang yaong hindi sumusuporta sa administrasyong Marcos, sa pamilya Duterte, o sa oposisyon.
Ipinakita rin ng survey ang political preferences batay sa rehiyon at antas ng socioeconomic status.
Ang pinakamalakas na suporta sa administrasyong Marcos ay nagmula sa Luzon, kung saan 47 porsyento ang nagpakilalang pro-Marcos, kasunod ng 39 porsyento sa Metro Manila at 37 porsyento sa Visayas. Gayunpaman, sa Mindanao, kung saan nananatili ang malakas na impluwensya ng pamilya Duterte, 9 porsyento lamang ang nagsabing sila ay pro-Marcos.
Sa Mindanao, 63 porsyento ng mga sumagot ang nagpakilalang pro-Duterte, kumpara sa 11 porsyento sa Visayas, 5 porsyento sa Metro Manila, at 2 porsyento sa ibang bahagi ng Luzon.
Samantala, ang pinakamaraming independents ay nasa Visayas sa 37 porsyento, sinundan ng 26 porsyento sa Luzon, 25 porsyento sa Metro Manila, at 20 porsyento sa Mindanao. Mayroon ding pagkakaiba sa political preferences batay sa socioeconomic status. Pinakamataas ang suporta sa administrasyong Marcos sa class ABC sa 42 porsyento, habang ang pamilya Duterte ay may pinakamatibay na suporta sa class E sa 41 porsyento. Ang survey ay isinagawa sa 1,200 na kalahok at may margin of error na ±3 porsyento.
Larawan mula sa Boomberg
More Stories
DTI itinurnover ang P30-M improved farm-to-market road sa Lanao del Norte
BABAENG SOUTH KOREAN NA WANTED SA RENTAL SCAM NADAKMA
iFWDPH program naglalayong matulungan ang mga OFW na magkaroon ng mga negosyo na nakabase sa teknolohiya