May 26, 2025

34K MANGGAGAWA NATULUNGAN NG DOLE HOTLINE

Mahigit 34,000 manggagawa ang epektibong natugunan ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa unang quarter ng 2025, ayon sa ulat ng ahensya ngayong linggo.

Sa pamamagitan ng DOLE Hotline 1349, na pinangangasiwaan ng Information and Publication Service ng kagawaran, naitala ang kabuuang 34,037 tawag at 35,041 tanong na nasagot sa unang tatlong buwan ng taon sa pamamagitan ng voice at non-voice channels.

Tumatanggap ang DoLE ng mga hinaing at katanungan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng hotline, email ([email protected]), at opisyal nitong Facebook messenger.

Lumabas sa datos na 68.69% ng mga tawag ay patungkol sa labor standards tulad ng hindi pagbibigay ng final pay (23.67%), maling computation ng holiday pay (11.78%), at mga tanong tungkol sa tamang proseso ng pagbibitiw sa trabaho (9.7%).

Tinalakay rin sa mga tawag ang mga usapin kaugnay sa labor inspection (4.7%) at mga kwalipikasyon sa separation pay (4.7%).

Sumunod sa dami ng tawag ang usapin sa employment facilitation na bumuo ng 19.42% ng kabuuang bilang. Karamihan sa mga ito ay tumutukoy sa local employment (82.5%) at probationary employment (6.3%). Mayroon ding mga katanungan ukol sa Alien Employment Permit (AEP) (4.7%), Government Internship Program (GIP) (1.2%), at mga kaso ng biglaang pagbibitiw o AWOL (1.5%).

Umabot sa 4.8% ng kabuuang tawag ang nauugnay sa social welfare and protection, kabilang na rito ang mga reklamo sa hindi pagre-remit ng mandatory benefits (44%), expanded maternity leave (24%), at mga aksidente o pagkamatay sa trabaho (240 calls).

May mga katanungan din ukol sa administrative due process (10%) at mga isyung may kaugnayan sa buwis (6%).

Pinayuhan ng hotline ang mga tumawag tungkol sa hindi pagbabayad ng government-mandated benefits na magsumite ng reklamo sa mga kaukulang ahensya gaya ng PhilHealth, Pag-IBIG, at Social Security System (SSS).

Ang DoLE Hotline 1349 ay bukas tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula 6:00 a.m. hanggang 10:00 p.m.