January 23, 2025

349 ARESTADO SA UNANG ARAW NG LOCKDOWN SA NAVOTAS

Mahigpit na binabantayan ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police at mga papasok at lalabas na residente sa Navotas City matapos simulan ang dalawang linggong lockdown mula alas-5:00 ng umaga ngayong Hulyo 16 hanggang 11:59 ng gabi sa Hulyo 29 upang mapigilan ang pagdami ng bilang ng COVID-19 sa bansa. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

UMABOT sa 349 indibidwal ang naaresto ng mga pulis, barangay at Task Force Disiplina sa unang araw ng ipinatupad na 14 days lockdown sa Navotas city.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang mga nadakip ay ang mga lumabag sa mga ordinansa ng lungsod ukol sa pagsusuot ng face mask, pagsunod sa 1-2 metrong physical distancing o hindi pagkukumpulan, 24-oras na curfew ng mga batang wala pang 18 taong gulang, at iba pang patakaran ng community quarantine.

“Ang ating mga batas at patakaran ay ipinapatupad para rin sa ating kabutihan. Ito po ay dahil nagmamalasakit ang ating pamahalaan sa ating mga mamamayan at ayaw nating magkasakit kayo o ang inyong mga mahal sa buhay”, pahayag ni Tiangco.

Umapela alkalde sa mga residente na makiisa sa 13 araw pang pag-iral ng lockdown.

“Nagsimula tayo sa isang kaso noong March 28, ngayon ay nasa 1,097 kaso na tayo. Kaya nawa’y iwasan nating sumuway sa mga patakaran at safety measures para maiwasan na ang hawaan ng virus at matigil na ang pagkalat ng sakit sa lungsod”, paalala ng alkalde.