NAG-RALLY ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Anakwapis at land reform advocates para kalampagin ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculute (DA) dahil sa bigong land reform at suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka. (ART TORRES)
Inutil ang rehimeng Duterte sa usapin ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Bigo ito sa pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka at sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan dahil na rin sa mga kontra-magsasakang mga patakaran at programa nito. Pagkatapos ng mahigit tatlong dekada mula noong ipinatupad ang CARP (RA 6657), nananatili pa rin na 9 sa 10 magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka.
Namamayagpag ang pagkabulaan ng kanyang Department of Agrarian Reform (DAR) sa programa nito sa repormang agraryo sa bansa. Kamakailan lamang ay ipinahayag nito ang kanyang diumano’y paghahatid ng mga sertipiko gaya ng CLOA sa mismong pintuan ng bawat ARB (agrarian reform beneficiary).
Mistulang sirang plaka ang DAR na paulit-ulit sa pagsasabing nagkakaroon ng katuparan at hustisya ang matagal nang hinahangad na lupa ng mga walang lupa. Ang totoo nito, libo-libong mga CLOA ang sako-sakong nakabalot lamang sa tanggapan nito sa buong bansa at hindi pa naipamigay, tulad ng nangyari sa tanggapan ng DAR sa Cebu.
Dito sa Western Visayas, iniulat ng DARRO 6 (DAR regional office 6) na mula 1972 hanggang 2017, nakapamahagi na ito ng 412,243 ektaryang lupain sa kabuuang target nitong saklaw para sa distribusyon na 566,852, o 72.72%, at sumaklaw ng 319,175 ARBs. Ngunit noong Hunyo 2016, naiulat na mayroon pang mahigit 24,000 ARBs ang hindi pa nai-install ng DARRO 6 sa probinsya ng Iloilo pa lamang. Ibig sabihin, mas marami pang mga benepisyaryo ang aktwal na hindi nabibigyan ng hustisya dahil sa pekeng programa sa reporma sa lupa.
Nagkakaroon din ng mahabang pagkaantala ang pamimigay ng indibidwal na CLOA sa mga magsasaka gaya ng nangyari sa mga benepisyaryo ng Tan estate sa Capiz habang marami pang mga installation ang hindi naipatupad ng departamento.
Hindi pa rin naipamahagi hanggang ngayon ang 120 ektaryang lupain sa Dumarao Stockfarm na ilang dekada nang ipinagkait sa mahigit 150 pamilya ng mga magsasaka. Noong 2017, sa ilalim ng pamamahala ng dating Kalihim ng DAR Ka Paeng Mariano ay napadalhan na nito ng sulat ang Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) hinggil sa pagtu-turn over nito sa DAR Central Office para maipamahagi na sa mga magsasaka,ngunit wala pa ring nangyari hanggang ngayon 4 na taon na ang nakakaraan.
Isa ring tipikal na kaplastikan ng paltik na programa sa lupa ng gobyerno ang pag-uuntog ng mga ulo ng mga magsasaka laban sa kapwa magsasaka. Isang halimbawa dito ang nangyari sa Sanson Estate sa Sara, sa Bardum Estate at Silay (Florete) Estate sa Barotac Nuevo, Iloilo, kung saan daan-daang magsasaka ang naitsapwera sa pamamahagi ng lupain doon dahil sa mga manipulasyon at maniobra ng lokal na tanggapan ng DAR na pinili lamang ang nabigyan ng lupain. Ito’y ilan lamang sa mabibigat na kasalanan ng DAR at gobyerno sa masang magsasaka.
Gayundin ang nagpapatuloy ang pakikipaglaban ng mga magsasaka ng mga bayan ng Oton, Pavia at San Miguel, Iloilo sa ilalim ng Iloilo Farmers and Irrigators Alliance Association (IFIAA) laban sa iligal na kumbersyon ng daan-daang ektaryang irigadong prime agricultural land sa mga lugar na ito. Ayon sa mga magsasaka, sa sampung libong ektaryang lupain na nasasakupan ng Aganan River basin, ilang libo na lang ang natitira at isa sa mayor na dahilan nito ay ang land-use conversion (paglilipat-gamit ng lupa mula agrikultural tungong industryal, residensyal at/o komersyal). Walang nagawa ang DARRO 6 upang itigil ang iligal na gawain ng pamilyang Villar na siya ngayong sagadsaring alipores ni Duterte sa pangangamkam ng lupain ng masang magsasaka.
Dagdag rito ang hinaing ng maraming mga benepisyaryo sa kawalan ng suporta at nagtataasang mga bayarin sa amortisasyon at amelyar sa lupang ipinamamahagi ng gobyerno. Nandyan din ang mga batas laban sa mga magsasaka na gumagawa sa kanilang mga kriminal gaya ng forcible/illegal entry.
Higit sa lahat, umiiral pa rin ang mga eksempsyon at ekslusyon ng malalawak na lupain at hacienda na pag-aari at kontrolado ng malalaking panginoong maylupa at mga dayuhang agro-korporasyon. Halimbawa, Bilang ekstensyon sa lalu pang pinalala ng CARPer (ang pinalawig na CARP na RA 9700) ang kawalan ng lupa sa mga magsasaka at rekonsentrasyon nito sa kamay ng mga panginoong maylupa, gaya na lang ng isinasaad sa huling parapo ng seksyon 1 nito na tumutulak pa nga sa estado na pumasok sa mga landlease deals (pagpapa-arkila ng estado sa mga malalaking dayuhang agro-korporasyon ng malalawak na lupaing pagtatamnan ng mga pananim na kinakailangan ng kanilang mga bansa). Ito ang esensya ng market-assisted land reform na itinulak naman ng World Bank (WB).
Lahat ng ito ay pagpapatunay lamang na nananatili pa rin ang malawakang kawalan ng lupa at ang monopolyong pag-aari dito ng iilan lamang sa buong kapuluan.
Kaya’t sa ika-33 taong anibersaryo ng CARP ngayong araw, Hunyo 10, wala tayong ilusyon sa DAR-to-door o anupamang pagmamatamis ng DAR sa kanyang paltik na reporma sa lupa. Bagkus, ito ay ginagamit lamang ng rehimeng Duterte sa kontra-insurhensya at politikal na pagpatay sa mga magsasaka’t mamamayan na nagsusulong ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Muli, mabibigo ang rehimen sa maitim na balak nitong gapiin ang mga lehitimong mithiin ng masang anakpawis. (KMP)
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?