April 26, 2025

$33-M Solar Power Plant itatayo sa New Clark City sa 2026

CAPAS, TARLAC — Nakatakdang itayo ang isang $33-milyong solar photovoltaic power plant sa New Clark City, bilang bahagi ng layunin nitong isulong ang sustainable development sa bansa.

Sinimulan na ng Sindicatum C-Solar Power Inc. (SCSPI), isang subsidiary ng Singapore-based renewable energy firm na Gurīn Energy Pte Ltd., ang konstruksyon ng Capas Solar Power Project sa isang 40-ektaryang lote sa loob ng New Clark City.

Pinangunahan ang groundbreaking ceremony noong Abril 11 ng mga opisyal mula sa SCSPI at Gurīn Energy kasama ang Department of Energy (DOE), Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at Union Bank of the Philippines.

Ayon kay Jose Rafael Mendoza, presidente ng SCSPI at country manager ng Gurīn Energy, malaking potensyal ang nakikita nila sa renewable energy sector ng Pilipinas. “Dito sa Capas, Tarlac, nais naming ipakita ang aming dedikasyon sa pamamagitan ng pagsisimula ng proyektong ito,” aniya.

Target na matapos ang planta pagsapit ng Enero 2026, na magkakaroon ng kapasidad na 38.81 megawatts peak (31.25 megawatts alternating current). Ikokonekta ito sa substation ng National Grid Corporation of the Philippines sa bayan ng Concepcion, gamit ang 69-kilovolt transmission line.

Layunin ng proyekto na palakasin ang bahagi ng renewable energy sa kabuuang energy mix ng bansa at tugunan ang lumalaking pangangailangan ng kuryente sa New Clark City at lalawigan ng Tarlac.

“This project will definitely contribute to our 35% renewable energy target by 2030,” pahayag ni Ruby de Guzman, assistant director ng DOE’s Renewable Energy Management Bureau.

Idinagdag naman ni Erwin Kenneth Peralta, vice president ng BCDA para sa Investment Promotions and Marketing, na magdadala rin ang proyekto ng bagong hanapbuhay at kaunlaran sa lokal na komunidad.

Ang Gurīn Energy, na suportado ng New Zealand-based Infratil Ltd., ay kilala sa pamumuhunan sa mga proyekto ng wind at solar energy sa buong Asya, kabilang ang Pilipinas. (PR)