May 21, 2025

31-anyos, patay matapos mapagkamalang ‘akyat-bahay’ sa Pasig

PASIG CITY — Trahedya ang inabot ng isang 31-anyos na lalaki matapos siyang mapagkamalang magnanakaw at barilin ng sariling kapitbahay, Martes ng gabi sa Barangay Maybunga, Pasig City.

Kinilala ang biktima sa pangalang Nano, na ayon sa mga ulat ay nagtungo sa bahay ng suspek upang makipag-usap. Sa footage ng barangay CCTV, makikitang papalapit ang biktima sa tahanan ng suspek noong Mayo 13, walang dala at kalmado ang kilos.

Sa panayam sa media, sinabi ng kinakasama ni Nano na napagkamalan umano itong akyat-bahay dahil sa alegasyong nasa bubong ito ng bahay ng suspek habang may hawak na martilyo.

Pero ayon sa mga nakakita sa insidente, wala raw martilyo sa biktima at hindi ito nasa bubong, kundi nasa labas lamang ng bahay at tila may hinahanap. Nagpakilala pa raw ang biktima at sinabing hindi siya magnanakaw, ngunit sa halip na pakinggan, pinutukan ito sa dibdib.

“Nagmamakaawa siya, sinabing may anak siyang dalawang taon gulang, pero hindi siya pinakinggan,” ayon sa isang testigo.

Pagdating ng mga opisyal ng barangay, wala nang buhay si Nano at nakahandusay nang nakadapa. Tinatayang sa dibdib ito tinamaan at lumusot ang bala sa tagiliran.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek pero kalaunan ay sumuko rin sa awtoridad. Kasalukuyan na siyang nakakulong sa Pasig City Custodial Facility at haharap sa kasong homicide, illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa election gun ban sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Hindi pa nagbibigay ng anumang pahayag ang suspek.

Mariing kinokondena ng pamilya at mga kaibigan ni Nano ang insidente. “Hindi siya magnanakaw. Pumatay sila ng ama, ng anak, ng kaibigan,” ayon sa kanyang kaanak.

ABANGAN: Tuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang autopsy report at karagdagang ebidensya mula sa CCTV.