December 25, 2024

308 MECQ safety measure violator, dinampot sa Navotas

UMABOT sa mahigit 300 na mga pasaway na lumabag sa ipinatutupad na safety measures ang pinagdadampot ng mga awtoridad sa Navotas City kasunod ng muling pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa ulat ng Navotas City Police hanggang 5:00, Miyerkules ng hapon kay Mayor Toby Tiangco, umabot sa kabuuang bilang na 308 ang mga nahuling lumabag sa safety measures para maging protektado laban sa COVID-19.

Sa nasabing bilang, 293 ang nahuling walang suot na face mask o hindi tama ang pagkakasuot nito at 15 katao naman ang lumabag sa curfew.

“Bagaman marami na po ang sumusunod, marami rin ang nananatiling pasaway. Sa nasabi ko na po dati, hindi namin kayo mababantayan lahat. Kaya bilang pagmamalasakit sa ating kapwa at pagtulong na mapigilan ang pagdami ng mga nahahawaan, tayo na po ang manaway. Ipaintindi po natin sa kanila ang importansya ng pananatili sa bahay, pagsusuot ng mask, pagdistansya ng 1-2 metro, at palagiang paghuhugas ng kamay,” ani Mayor Tiangco.

Sinabi rin ni Tiangco sa nasasakupan na ang pagpapatupad ng community quarantine ang tsansa para mapababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 kaya’t di dapat sayangin ang pagkakataong ito at ang mga napagdaanan nang  pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagtulong na na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.

“Alam natin gaano kaimportante ang pakikiisa at pagsunod sa mga patakaran. Sa bawat pagsagawa natin ng safety measures, mas lumalaki ang tyansa na di tayo mahawa at mananatiling ligtas sa COVID-19. Sa pagmamalasakit po natin sa isa’t isa, mas madali nating matutugunan ang mga hamon ng pandemya. Sama-sama tayong maging solusyon sa suliranin,” anang alkalde.

Kahapon din, 1,717 ang dumating na resulta ng COVID testing ng lungsod na isinagawa noong July 29 at 30.

Sa bilang na ito, 193 ang bagong kumpirmadong kaso at 1,524 naman ang nag-negatibo.

Samantala, inanunsyo ni Mayor Tiangco na may 500 slots at exclusive lang para sa mga close contacts ang mass testing ngayong araw, Huwebes, August 6.

“Dahil sa pagdami ng ating mga COVID-positive patients, dumami rin po ang mga close contacts na kailangang ma-test kaagad para malaman natin kung nahawaan sila ng virus”, pahayag ni Mayor Tiangco. Aniya, antabayanan ang anunsyo tungkol sa mass testing para sa susunod na mga araw.