June 15, 2025

300 PDL Inilipat Mula Bilibid Patungong Sablayan Prison sa Mindoro

MUNTINLUPA CITY — Matagumpay na inilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 300 Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa patungong Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., umabot na ngayon sa kabuuang 11,227 ang bilang ng mga PDL na nailipat mula NBP patungo sa iba’t ibang operating prison at penal farms sa ilalim ng ahensya.

Ang paglilipat ay naisakatuparan sa tulong ng humigit-kumulang 100 Corrections Officers, kabilang ang mga miyembro ng Escort Unit, BuCor SWAT, at medical personnel.

Pinasalamatan din ni Catapang ang pakikipag-ugnayan ng BuCor sa iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP) Muntinlupa, PNP Highway Patrol Group, gayundin ang mga lokal na maritime at coast guard services upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbiyahe ng mga PDL.

“Ang ganitong koordinadong pagkilos ay mahalaga hindi lamang para sa kaligtasan ng mga PDL kundi para na rin sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng publiko sa panahon ng ganitong mga operasyon,” pahayag ni Catapang.

Patuloy ang hakbang ng BuCor sa decongestion ng New Bilibid Prison at sa pagsulong ng reporma sa correctional system ng bansa.