November 19, 2024

3 WANTED PERSON SA MALABON, ARESTADO

MALABON CITY – Nalambat ng mga awtoridad ang tatlong wanted person sa isinagawang magkakahiwalay na joint operation sa naturang lungsod.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-12:00 ng tanghali nang magsagawa ang pinagsamang puwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni PSMS Armando Isidro at 4th MFC RMFB-NCRPO sa pangunguna ni PCPT Ronilo Aquino ng operation sa Gov. Pascual Ave. Brgy Catmon, na nagresulta sa pagkakaresto kay Richard Billones, 49, ng Blk 15, Lot 8, Dagat-dagatan, Brgy. Longos.

Sinabi ni PCMS Gilbert Bansil, hepe ng WSS, inaresto si Billones sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong October 30, 2020 ni Hon. Catherine Therese Tagle-Salvador, Presiding Judge RTC Branch 73, Malabon City para sa kasong paglabag sa RA 7610.

Dakong alas-1:00 naman ng hapon nang dakpin din ng mga operatiba ng WSS at 4th MFC RMFB-NCRPO si Ardee Remias, 21, malapit sa kanyang bahay sa Del Monte Ave., Brgy. Potrero sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Anna Michella Cruz Atanacio-Veluz, Presiding Judge, RTC Branch 169, Malabon City para sa kasong palabag sa RA 9165.

Sa hiwalay na operasyon, bandang alas-2:00 ng hapon nang matimbog naman ng mga tauhan ng Sub-Station 5 sa pangunguna ni PLT Joseph Alcazar si Danilo Moreno, 40, sa Hasa-hasa St., Brgy Longos sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Ofelia Salgado Contreras-Soriano, Presiding Judge, Metropolitan Trial Court, Branch 55, Malabon city para sa kasong Illegal Possession of Bladed, Pointed or Blunt Weapons (BP 6).