February 3, 2025

3 todas sa kuryente sa Quezon

Patay habang nilalapatan ng lunas sa Tayabas Community Hospital ang tatlong katao makaraang aksidenteng makuryente habang nagkakabit ng electrical wiring sa Brgy. Kanlurang Palale, Tabayas City, Quezon nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ang mga nasawing magpipinsan na sina Christian Ilagan, 31-anyos;  Rommel Oabel, 35-anyos; at Julian Oabel, 35 taon gulang at mga residente sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Base sa ulat, tinangka ng tatlo na ayusin ang kuryente sa bahay ng isa dahil sa madalas na brownout.

Habang itinatayo nila ang wire mula sa poste, aksidenteng dumikit ito sa isang talop na linya ng kuryente, dahilan ng kanilang pagkakuryente.

Agad silang isinugod sa ospital ngunit idineklarang patay habang ginagamot.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente. (KOI HIPOLITO)