April 29, 2025

3 Suspek sa Human Trafficking, Kinasuhan sa Reklamo ng 7 OFW na Nasagip mula Myanmar

Ilan sa mga biktima ng human trafficking matapos ma-repatriate mula sa Cambodia. (Larawan mula kay ARSENIO TAN)

MANILA — Tatlong pinaghihinalaang human traffickers ang pormal nang kinasuhan kasunod ng inquest na isinampa ng National Bureau of Investigation–International Airport Investigation Division (NBI-IAID), base sa reklamo ng pitong overseas Filipino workers (OFWs) na sapilitang dinala sa Myanmar at na-repatriate mula Cambodia noong Abril 23.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang mga biktima ay inalok ng mga trabaho ngunit nauwi sa sapilitang pagtatrabaho sa mga cyber scam operations kung saan sila’y nakaranas ng matinding pisikal na pang-aabuso at pananakot.

Ikinuwento ng mga biktima na sila’y na-recruit online at pinayuhang magpanggap bilang ordinaryong turista o OFW upang makalusot sa mga awtoridad sa paliparan. Pagdating sa Myanmar, sila’y ikinulong sa mga scam compound kung saan sila’y binugbog, kinuryente, at hindi binabayaran kapag hindi nila naabot ang araw-araw na “scam quota.” Ilan sa kanila ay walang pahinga at dumanas ng matinding trauma.

Bagamat natakot sa koneksyon at impluwensya ng mga recruiter, naglakas-loob ang mga biktima na tumestigo upang masampahan ng kaso ang mga sangkot.

Nagpasalamat ang BI sa Department of Justice–Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) sa kanilang walang humpay na suporta sa pagbuo ng kaso.

Ang reklamo ay inihain sa Office of the City Prosecutor ng Pasay, habang ang repatriation ng mga biktima ay naisakatuparan sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang DFA, OWWA, DMW, DSWD, at ang Philippine Embassy sa Cambodia. (ARSENIO TAN)