PINALAYA na sina Rommel Galido, John Pascual Dela Serna at John Paul Halili, ang tatlo sa 11 na itinuturing ng pulis na suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angela Dacera.
Sa ibinahaging video ng ABS-CBN, napahagulgol pa ang isa sa mga suspek nang humarap sa media matapos pakawalan ngayong alas-7:00 ng gabi.
Nakalaya ang tatlo matapos maglabas ng resolusyon ang Makati City Prosecutor’s Office na nagsasabing kailangan pang magsagawa ng regular na preliminary investigation sa kaso para matukoy kung talagang bang ni-rape at pinatay ang 23-anyos na biktima, at tukuyin ang salarin.
Sa pagharap sa media, hindi maiwasan na maiyak ni Halili nang ibinahagi nito ang hirap dahil sa sitwasyon.
“Hirap na hirap na kasi ang pamilya ko, buong pamilya ko. Wala naman kaming kasalanan,” sabi niya.
Nanawagan din siya sa publiko na huwag agad silang husgahan.
“Sana, alamin muna nila kung ano talaga. Ako, pumunta ako dito para magbigay ng salaysay. Tapos, bigla na lang nila kami kinuha. Nakikipagtulungan lang kami sa kanila. Binigay lang namin kung ano iyong alam namin,” dagdag pa niya.
May panawagan naman si Galido sa pamilya ni Dacera na aniya’y itinuturing niyang malapit na kaibigan.
“Para sa pamilya ni Christine, nararamdaman ko rin ang sakit na nararamdaman nila. Si Christine, parang naging kapatid ko na rin po siya. Mahal na mahal ko po si Christine,” sambit ni Galido.
Umaasa si Dela Serna na maliwanagan ang pamilya ng biktima.
“Christine, kung nasaan ka man ngayon, i-clear mo ang mind ng mom mo, na wala kami kasalanan dito. Alam mo kung gaano ka namin kamahal. At ang tanging hiling namin ay parati mo bantayan ang pamilya mo at mga kabigan mo. Alam mo kung gaano ka namin kamahal, kasi part ka na ng buhay namin. At ngayon, mahirap tanggapin na wala ka na,” sambit ni Dela Serna.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang tatlo patungkol sa nangyari noong panahong kasama nila sa party si Dacera.
Una nang napaulat ng pulisya na natagpuang patay si Dacera sa bathtub ng isang hotel sa Makati City noong Enero 1 matapos ang umano’y New Year’s Eve party kasama ang mga kaibigan.
Ayon sa pulisya, mayroong foul play sa pagkamatay ni Dacera at nagsampa ng kasong rape with homicide sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa 11 suspek, kabilang ang kaibigan ng 23-anyos na flight attendant na kasama niya sa party.
Kinokonsidera rin ng pulisya na “solved” na ang kaso dahil tukoy na ang pagkakilanlan ng mga suspek.
Noong Martes ng gabi, isang kopya ng umano’y medico legal report ni Dacera ang nag-viral sa social media kung saan lumalabas na hindi ginahasa ang flight attendant at siya’y namatay dahil sa “ruptured aortic aneurysm.”
Pero ayon kay Makati City Police chief Col. Harold Depositar, walang inilalabas ang pulisya sa publiko na medico-legal report tungkol kay Dacera.
More Stories
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
BUCOR AT PAO MAGTUTULUNGAN PARA SA INMATE WELFARE PROGRAM
PILIPINAS KATAWA-TAWA NA NGA BA SA MUNDO?